invitation

Let yourself BE HEARD and EVANGELIZE with us! Feel free to POST your comments on every article.
- Com. on Media for Evangelization

Penafrancia Celebration LIVE

Saturday, September 6, 2014

Ika-23 Domingo sa Ordinaryong Panahon -Cycle A - September 7, 2014

Mga Pagbasa:
Ezekiel 33:7-9
Romano 13: 8-10
Mateo 18:15-20



“Sino ka para pagsabihan ako kung ano ang tama o mali?” “Gagawin ko kung ano ang gusto ko at wala kang pakialam dahil sarili ko ‘to!” Kapag naririnig ko ang mga katagang ito ay nagigising muli ako sa katotohanang ang mundo nga sa ngayon ay malaki na ang pinagbago lalong lalo na sa aspeto ng pagkilala sa kapangyarihan ng mga merong otoridad katulad ng mga magulang, guro, pamahalaan o kaya ng kahit ng mga taong simbahan. Sinasabing ang mga ganitong uri ng pag-iisip ay bunsod ng post-modernism na kung saan ang nagiging sukatan ng lahat ay ang sarili. Tyranny of relativism ang tawag ni Papa Benedikto XVI sa pangingibabaw ng personal na pamantayan kesa sa pamantayan na binigay ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang mga utos at ng batas ng kalikasan na umiiral sa ating mundo.


Sa mga pagbasa natin sa linggong ito, pinapaalalang muli ng Diyos sa atin ang pag-iral ng kanyang mga batas. May mga batas Siyang ibinigay sa atin hindi para tayo ay pigilan sa mga pansarili nating kagustuhan kundi para tayo ay ihanda at ihatid patungo sa buhay na inilaan Niya sa atin. Ang mga kautusan na ito ay paulit-ulit Niyang ipinapaalala sa atin sa pamamagitan ng kanyang mga propeta katulad ng utos ng Diyos kay propeta Ezekiel na paalalahanan ang mga tao. Na sa tuwing kinakalimutan o hindi sinusunod ang kanyang mga utos ay nakakaranas ng kahirapan at kamatayan ang mga tao. Dumarating ang kahirapan o kamatayan hindi dahil gusto ng Diyos na maghirap o mamatay ang tao dahil sa hindi pagsunod s Kanya kundi dahil sadyang ang daan papalayo sa Diyos ay tiyak na daan patungo sa kahirapan at kamatayan. Walang ibang kayang magbigay ng buhay kundi ang Diyos lamang. Tayong mga bininyagan ay mga profeta kaya may tungkulin tayo na kausapin o paalalahanan ang kapwa natin sa kung ano ang tama at ang mali ayon sa batas na binigay ng Diyos.


Pinapaalala rin sa atin ni San Pablo na ang mga batas na binigay sa atin ay hindi batas ng pagbabawal kundi ang kabuuan at ugat ng lahat ng mga batas na ito ay ang gawin tayong mapagmahal sapagkat ang katuparan ng batas ay pagmamahal.
Kung kaya ang makikita natin sa ebanghelyo ngayong lingo ay ang pangingibabaw ng pagmamahal sa taong hindi nakakasunod sa utos ng Diyos o kaya ayaw sumunod sa utos ng Diyos. Itinuturo sa atin ni Hesus kung ano ang kailangan nating gawin sa kapatid nating nagkasala. Ang bawat pagkakasala ay pagtalikod sa kakayahang magmahal. Subalit ang sinasabi sa atin ni Hesus sa ebanghelyo ay patuloy na iparamdam sa taong nagkasala sa atin ang pagmamahal. Sa mga pagkakataong ito mas lumalabas ang tunay na hamon ng pagmamahal dahil kung meron mang napakahirap mahalin ito ay ang mga taong nagkasala mismo sa atin. Binigyan tayo ni Hesus ng halimbawa kung paano natin gagawin ang pagtutuwid sa kapatid nating nagkasala. Una ay ang kausapin ang taong nagkasala. Ang pakikipag-usap sa taong kaalitan natin ay isang napakahirap na bagay lalo na kung iniisip natin na siya ang may tunay na kasalanan. Pangalawa, kapag ginawa na natin ang lahat, katulad ng paghanap ng ibang makakatulong at sa huli ay sumangguni sa simbahan, at ayaw pa ring tanggapin ang kasalanan ay dapat na itong ituring katulad ng isang hentil o kaya taga-singil ng buwis. Marahil ay naiisip natin na may hangganan naman pala ang pagmamahal ni Hesus kasi parang Siya mismo ay nawawalan ng pag-asa. Subalit ang utos na ito ni Hesus ay lalong nagpapakita kung gaano kalaki ang pagmamahal N’ya sa mga taong nagkakasala. Sapagkat kung ating susuriin ang lahat ng utos at buong buhay ni Hesus kung paano N’ya pinapakisamahan ang mga hentil at mga makasalanan ay walang iba kundi ang patuloy na pagpaparamdam ng walang hanggang awa at pagmamahal. Nariyan ang kwento ni Hesus at Zakeo, ang babaeng nahuling nakikiapid at napakarami pang mga kwento. Nawa ngayong lingo ay makita rin natin kung paano at hanggang saan ang pagpaparamdam natin ng awa at pagmamahal.

No comments:

Post a Comment